Isa pang milyonaryo sa pagkapanalo ng Chief Of Staff
MANILA, Philippines - Panonorpresa ng Chief Of Staff ang nagresulta upang lumabas ang ikalawang milyonaryo sa horse racing sa taong 2013 na nangyari noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Bumenta lamang ng P6,670.00 mula sa Daily Double sales na P483,288.00, mahusay na naipuwesto ni apprentice rider RC Tabor ang nanalong kabayo sa balya bago naisantabi ang malakas na pagdating ng paboritong Shining Gee.
Ikalawang takbo ito ng Chief Of Staff sa taong 2013 at nagbunga ang desisyon na ibalik kay Tabor ang pagdadala mula sa baguhang hinete rin na si SD Carmona na nailagay ang kabayo sa ikapitong puwesto noong Enero 4.
Nalagay muna ang Chief Of Staff, may pinakamagaan na peso na 50 kilos, sa ikalimang puwesto sa alisan pero nasilip ni Tabor na maluwag ang balya na siyang dinaanan ng kabayo at sa back stretch ay nakalamang na.
Nag-init ang Shining Gee na tinapos ang karera noong nakaraang taon tangan ang tatlong dikit na pa-nalo pero sumalang sa unang pagkakataon sa taong ito.
Tila aabutan na ng outstanding favorite sa nakuhang P392,844.00 sales pero kapus siya ng kapiraso sa meta upang malagay lamang sa ikalawang puwesto ang kabayong diniskartehan ni jockey Jessie Guce.
Pinakadehado ang Chief Of Staff sa mga nanalo sa huling araw ng pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. at nagpasok ng P323.50 sa win. Ang 3-2 forecast ay mayroong P374.50 dibidendo.
Isang mananaya ang nakasama sa dehadong kabayong ito at nakuha pa ang mga nagsipanalong Windy Firenze at Golden Hue na ‘di gaanong napaboran, upang makuha ang P1,200,431.80 dibidendo sa ikalawang Winner Take All.
Natapos ang 13 karerang nakahanay sa pangi-ngibabaw pa ng Diamondareforever ni RF Torres na tinalo ang A Toy For Us upang makapagpamahagi ng pinakamalaking dibidendo sa forecast na P3,513.50 sa 3-7 kumbinasyon.
Ang win ay may P149.50 at ang ‘di inaasahang panalo ay nagresulta para magkaroon ng mga carry-over sa 3rd WTA na P881,219.50 at 2nd Pick Six na P474,661.14 na ipapatong sa pagbabalik ng pista sa nasabing race track sa susunod na linggo.
- Latest