MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Indonesian Grandmaster Susanto Megaranto ang mga magtatangka ng puwesto sa World Chess Cup sa pagbubukas ngayon ng Asian Zone 3.3 Chess Championships sa Tagaytay International Convention Center.
Babanderahan naman ng ating ipinagmamala-king Grandmaster na si Wesley So ang kampanya ng mga Pinoy woodpushers sa torneong iho-host ng Pinas sa ikalawang pagkakataon.
Si So ay pansamantalang nagbakasyon mula sa kanyang pag-aaral sa US para makasali sa torneong gagawin simula ngayon hanggang Enero 30.
Bukod sa naglalakihang premyong salapi, ang mangungunang dalawang manlalaro ang aabante sa World Cup na lalaruin sa Tromso, Norway mula Agosto 10 hanggang Setyembre 5.
Si So na may ELO rating na 2685 ang puma-ngalawa kay Megaranto sa nagdaang edisyon.
Si Tagaytay City Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang siyang magiging punong-abala bilang pangulo ng Asian Zone 3.3.
“The city will make sure that all participants, especially the foreigners, will enjoy there here in Tagaytay,†wika ni Tolentino na secretary-general din ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Ang iba pang pambato ng bansa ay sina GM Mark Paragua na sariwa sa pagkapanalo sa PSC Cup International Chess Championships; GM Rogelio ‘Joey’ Antonio Jr., GM Richard Bitoon, GM Eugene Torre at GM Darwin Laylo.
Si GM Oliver Barbosa pa lamang ang nakatiyak ng puwesto para sa Pilipinas sa World Chess Cup nang pumanglima sa idinaos na Asian Chess Championships noong Mayo sa Vietnam.
Bukod sa Indonesia, ang Vietnam ay magpapadala rin ng malakas na delegasyon para maging palaban sa kampeonato.