Tunacao nakinabang sa pagiging sparmate ni Yamanaka
MANILA, Philippines - Ang pagiging dating sparmate ng kasalukuyang WBC bantamweight champion na si Shinsuke Yamanaka ng Japan ang magagamit nang husto ni Malcolm Tunacao para maipanalo ang magaganap nilang laban.
Ang 36-anyos na si Tunacao na noong Marso 2, 2001 huling naharap sa world title fight, ay magkakaroon ng pagkakataon na manumbalik sa trono, matapos ang 12-taon, sa pagsukat sa 30-anyos na si Yamanaka sa Abril 8 sa Kokugikan, Tokyo.
Naitakda ang tagisan matapos manalo si Tunacao kay Mexican Christian Esquivel sa title eliminator na ginawa noong Disyembre 22 sa Centra Gym sa Japan.
Sandaling napag-aralan ni Tunacao ang kilos ni Yamanaka at nakita niya na ang lakas ng Japanese champion ay ang kanyang kanang kamao.
Nasa Mandaue City ngayon si Tunacao para pa-nandaliang iselebra ang kanyang panalo kay Esquivel pero magsisimula na siya na magpakondisyon upang paglipad niya ng Japan sa ikatlong linggo ng buwan ng Pebrero ay handa na siya sa mas matinding pagsasanay.
Noong Mayo 19, 2000 nakilala si Tunacao nang patulugin niya si Medgeon Singsurat ng Thailand para agawin ang hawak na WBC flyweight title.
Pero hindi umabot ng isang taon ang paghawak niya sa korona dahil matapos ang tablang laban sa unang title defense laban kay Celes Kobayashi ng Japan, nahubad kay Tunacao ang titulo nang patulugin sa unang round ni Ponsaklek Wonjongkam ng Thailand noong Marso 2, 2001.
Mula noon ay hindi na nakalaban pa sa lehitimong world title fight si Tunacao hanggang sa talunin si Esquivel sa huling laban.
May 32-2, 20 KO si Tunacao at 23-1 matapos matalo kay Wonjongkam upang maipakita na taglay pa rin niya ang bangis para maging isang world champion.
- Latest