Yes Mayor nakatikim ng panalo bilang 3YO

MANILA, Philippines - Nakuha ng Yes Mayor ang kanyang unang pa-nalo bilang isang three-year old horse nang mahusay itong ginabayan ng apprentice rider na si LT Cuadra Jr. noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sa alisan hanggang sa back stretch umalagwa ang Loud And Clear na tumakbo sa unang pagkakataon sa 2013. Pero pinaharurot agad ni Cuadra ang Yes Mayor para kunin ang liderato na hindi na binitiwan tungo sa halos apat na dipang agwat na panalo sa 3YO Philracom Handicap (01) race na inilagay sa 1,300m distansya.

Ikatlong sunod na pagdiskarte ni Cuadra sa Yes Mayor at naipanalo na niya ang kabayo sa unang pagdiskarte noong Disyembre 28.

Dehado ang Loud And Clear na hindi tumimbang sa tatlong takbo kaya’t ang tumaya ng 4-1 sa forecast ay may P392.00 habang balik-taya na P5.00 ang nangyari sa win.

Humataw din ang Megatron sa 3YO Maiden-1-2 race sa 1,300m sa pagdadala ni Pat Dilema.

Second choice sa pitong naglaban, kasama ang isang coupled entry, pero palaban ang Megatron na humabol mula sa malayong ikalimang puwesto at nanalo pa.

Nagbalikatan sa pagremate ang Megatron at Mas Masaya Sa Pinas sa rekta para abutan hanggang sa lampasan ang naunang bumanderang Indy’s Humor.

Sa huling 100m ay saka kinuha ng tatlong taong colt ang liderato  tungo sa dalawang dipang panalo.

Dehado rin ang Mas Masaya Sa Pinas na diniskartehan ni JB Guce para sa P79.50 dibidendo sa 6-4 forecast habang P6.00 ang ibinigay sa win.

Show comments