MANILA, Philippines - Sasagupain ng Gilas Pilipinas ang Sagesse Club ng Lebanon sa quarterfinal round ng 24th Dubai International Basketball Tournament ngayong gabi sa Al Ahli Sports Club sa Dubai, UAE.
Kailangang manalo ang Phl training team kontra sa Sagesse, ang nangungunang koponan sa Lebanese basketball league tampok sina American imports Aaron Harper at DeShawn Sims.
Nabigo ang Sagesse sa Al Riyadi-Lebanon, 68-89, ngunit tinalo naman ang UAE National team, 95-68, para maging No. 2 team sa Group A sa preliminaries.
Isang top-ranked team sa Lebanese league, ibibida ng Sagesse sina national players Rodrigue Akl, Elias Rustom, Mohamad Ibrahim at Elie Estefhan.
Tinakasan naman ng Gilas Pilipinas ang Mouttahed-Lebanon, 79-77, bago matalo sa Al Ahli Club at Al Riyadi Amarex-Jordan sa Group B.
Bilang topnotcher sa Group B, nakamit ng Al Riyadi Amarex, babanderahan ni dating PBA import Alpha Bangura kasama si Darwin Dorsey, ang outright entry sa semis.
Ang iba pang quarterfinal pairings ay magpapakita sa Al Riyadi-Lebanon laban sa Al Mouttahed Tripoli at ang Al Ahli kontra sa UAE National team.