Labanang Magna Carta at Humble Riches

MANILA, Philippines - Habang ang Hagdang Bato ang run-away sa pa-lakihan ng kita na kinubra noong 2012, naging mahigpitan naman ang tagisan sa ikalawang puwesto sa pagitan ng Magna Carta at Humble Riches.

Bagama’t apat lamang ang karerang sinalihan, ang Magna Carta ang siyang nalagay sa ikalawang puwesto sa  listahan.

Kumabit ang 2011 Horse of the Year awardee na Magna Carta ng P4,250,658.39 kita mula sa dalawang panalo at tig-isang segundo at tersero puwesto.

Kinapos ang three-year old filly na Humble Riches ng halos P125,000.00 premyo sa Magna Carta sa kinabig na P4,126,005.05 premyo mula sa anim na panalo, isang segundo, dalawang tersero at isang kuwarto puwestong pagtatapos.

Nagkaroon sana ng pagkakataon ang Humble Riches na maalpasan ang Magna Carta kung di lamang iginarahe nang pumasok ang buwan ng Nobyembre.

Ang Hagdang Bato na hindi natalo sa 11 takbo sa nagdaang taon ay nagkamal ng P13,465,977.05 gantimpala para sa may-aring si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.

Ang mahusay na two-year old colt na Boss Jaden at isa pang juvenile horse na Pantukan ang nalagay sa ikaapat at limang puwesto.

Isang multiple stakes winner, ang Boss Jaden ay kumabig ng P3,712,500.00 gantimpala mula sa limang panalo at tig-isang segundo at tersero puwesto habang ang Pantukan ay may P2,962,500.00 sa dalawang panalo at isang segundo puwestong pagtatapos.

Show comments