MANILA, Philippines - Nalasap ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan nang yumukod sa Al Riyadi Amarex ng Jordan, 65-75, na nagkait sa mga Filipino cagers ng isang outright semifinal seat sa 24th Dubai International Basketball Tournament sa Al Ahli Sports Club sa Dubai, UAE.
Kagaya ng kanilang kabiguan sa Al Ahli noong Sabado, nabigo din ang Phl training team na mapigilan ang mga imports ng Amarex.
Susunod na makakatapat ng Nationals ang Sagesse Beirut ng Lebanon sa isang knockout quarterfinals match bukas kung saan ang mananalo ang makakapasok sa Final Four.
Ang iba pang quarterfinal pairings ay ang Al Riyadi-Lebanon laban sa Al Mouttahed Tripoli at ang Al Ahli kontra sa UAE National team.
Bilang topnotcher sa Group B play, umabante ang Al Riyadi Amarex, binabanderahan ni dating PBA import Alpha Bangura at Darwin Dorsey, sa semis.
Umiskor si Bangura, dating kumampanya para sa Air21 sa PBA, ng 31 points kontra sa Nationals.
“Tried hard but (Darwin) Dorsey & (Alpha) Bangura just 2 good, 2 experienced for our kids. But we fought til the end. Now we need 2 beat Sagesse 4 d final 4,†sabi ni Gilas coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account.
Tumipa sina Letran standout Kevin Alas at Fil-Am player Matt Ganuelas ng 12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.