Suarez nalo uli sa World Series of Boxing

MANILA, Philippines - Naipakita ni Charly Suarez ang tibay ng dibdib nang maisantabi ang paghahabol sa puntos sa fourth round at manalo pa laban sa Asian champion ng Tajikistan na si Anvar Yunusov sa pagpapatuloy ng World Series of Boxing noong Sabado sa Mediolanum Stadium sa Milan, Italy.

Naglalaro para sa home team Italia Thunder, sinuklian ng tubong Davao na si Suarez ang panonood ng mga Pilipinong naninirahan sa Milan nang magagandang patama ang kanyang ginawa sa ikalima at huling round na umani  ng 10-9 iskor sa tatlong hurado tungo sa panalo laban sa isa sa pambato ng USA Knockouts.

Dalawang hurado na nagbigay ng 38-37 iskor pabor kay Yunusov matapos ang apat na rounds ay nagsabing tabla ang laban sa 47-all. Pero ang ikatlong judge ay naggawad ng 49-46 panalo kay Suarez na ikinatuwa  ng mga nagsipanood.

“Matagal na nilang binili ang tiket para mapanood ang labang ito kaya’t ginawa ko ang lahat para makaba-ngon,” wika ni Suarez, dating manlalaro ng Mumbai Fighters ng India noong nakaraang taon, sa email sa ABAP.

Ito ang ikalawang pagkakataon na ginamit si Suarez sa laban ng Thunder at nasundan niya ang unang panalo na kinuha kay Robert Harutyunyan ng Germany noong  Nobyembre 17, 2012.

Sa Marso naman ang balik ni Suarez dahil nakatakda niyang ipa-opera ang nananakit na balikat na nakaapekto rin sa kanyang ipinakita sa naunang apat na rounds.

Sa kabuuan, ang Thunder ay umukit ng 5-0 panalo sa Knockouts upang itaas ang karta sa Group B sa 3-2 habang bumaba sa 0-5 ang US team.

 

Show comments