Gilas binuksan ang kampanya sa Dubai mula sa panalo sa Lebanese team

MANILA, Philippines - Binuksan ng Smart Gilas-Pilipinas ang kanilang kampanya sa 24th Dubai International Basketball Tournament mula sa isang 79-77 panalo kontra sa Mouttahed ng Lebanon kahapon sa Al Ahli gym.

Bagama’t nagparada ang Lebanese club team ng tatlong imports at ilang miyembro ng National team sa pangunguna ni Rony Fahed, nagawa pa rin ng Smart Gilas na masungkit ang kanilang 1-0 record.

Ang Mouttahed ay isa sa tatlong Lebanon-based teams na kalahok sa natu­rang nine-day tournament.

Ang dalawa pa ay ang Sa­gesse Beirut at ang Al Riyadi Beirut.

“Beat Mouttahed of Le­banon w 3 US imports & 3 natl team players after being down by 15 in d 1st,” sabi ni National head coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account na @coachot.

Kinuha ng Nationals ang halftime, 41-40, at nakipaggitgitan sa Mouttahed sa second half.

Umiskor si naturalized player Marcus Douthit ng 20 points, habang nag-am­bag si Ronjay Buenafe ng 10 points na kanyang gi­nawa sa first half.

Nagdagdag si Garvo Lanete ng 15 markers kasunod ang 9 ni Kevin Alas.

Susunod na makakatapat ng Smart Gilas ang Al Ahli ng host country nga­yong umaga.

Hinugot ng Al Ahli si dating New York Knicks Cheikh Samb mula sa Se­negal at sina Americans Le­roy Hurd at Leemire Goldwire bilang imports.

Tatapusin ng Nationals ang kanilang kampanya sa Group B preliminary la­ban sa Sporting Amarex ng Jordan.

Ang Group A ay binu­buo ng Al Riyadi at Sa­ges­se, ang UAE national team at ang Almaty ng Ka­zakhstan.

Ang top two teams sa bawat grupo matapos ang preliminary round ay aabante sa semifinals na magdedetermina sa mag­la­laban para sa korona. 

 

Show comments