2-0 ikokonekta ng Talk ‘N Text

MANILA, Philippines - Ambisyon ng two-time defending champion Talk ‘N Text ang 2-0 bentahe sa best-of-seven championship series nito laban sa Rain or Shine para sa 2012-13 PBA Philippine Cup.

Nakatakda ang Game 2 sa alas-6:45 ng gabi ngayon sa Mall of Asia Arena.

Naka-donselya sa simula ng serye ang Talk ‘N Text sa tono ng 87-81  panalo noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum kung saan mas komportable ang TNT sa kanilang 10-1 record sa naturang venue ngayong conference kumpara sa 9-6 ng RoS.

Pero ayon kay head coach Norman Black, depensa ang nagpanalo sa kanila sa Game 1.

“I was very happy with the way we played defense. We really executed what we wanted to do defensively especially in the first half,” pahayag ni Black noong Miyerkules pagkatapos limitahan ng Talk ‘N Text ang Rain or Shine sa 35% shooting lamang mula sa field, kabilang ang 4-of-21 lamang mula sa three-point range (19%).

Inamin naman ng kanyang Rain or Shine counterpart na si Yeng Guiao na three-point shooting nga ang tumalo sa Elasto Painters pero aniya, hindi naman talaga dahil sa depensa ng Talk ‘N Text kundi nangyayari lang talaga.

Sa huling walong best-of-5 o best-of-7 na serye ni Guiao kung saan natalo ang kanyang koponan sa unang laro, naitabla naman nila ang serye pagkatapos ng Game 2 ng anim na beses.

Maging si Black ay naniniwalang kailangang mas paghandaan ang Game 2 ng serye.

 

Show comments