Big Chill, Cagayan maghihigpit ng kapit

MANILA, Philippines - Magpapalakas pa ang Big Chill at Cagayan Ri-sing Sun sa kapit sa itaas ng standings habang mag-uunahan ang Boracay Rum at Erase Xfoliant na buhayin pa ang naghihingalong kampanya sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Arellano Gym sa Legarda,  Manila.

Nais ng Super Chargers na solohin ang ikalawang puwesto na ngayon ay kanilang pinagsasaluhan ng Blackwater Sports sa 5-2 kung manalo sa Rising Suns sa ika-2 ng hapon na tagisan.

Galing ang tropa ni coach Robert Sison mula sa 88-68 panalo laban sa Erasers sa huling laro at sisikapin nilang sakyan ang momentum na ito para tapatan ang tiyak na todong paglalaro ng Rising Suns.

May dalawang dikit na kabiguan ang tropa ni coach Alvin Pua at tiyak na nais nilang tapusin ang losing streak para buhayin ang laban para sa ikalawa at huling awtomatikong puwesto sa semifinals.

Ang NLEX ang nakakuha sa unang puwesto sa semifinals habang ang ikalawa at huling puwesto ay pinaglalabanan  ng hindi bababa sa limang koponan.

Kung mananalo ang Cagayan, didikit sila ng kalahating laro sa Elite upang tumibay ang paghahabol sa insentibo.

Ikatlong panalo matapos ang walong laro ang makukuha ng mananalo sa Waves at Erasers upang magkaroon ng disenteng kampanya sa liga.

Bagama’t may laban pa sa puwesto sa quarterfinals ang mananalo, kailangan pa ring walisin ang nalalabing dalawang laro at bantayan din ang laro ng nangungunang koponan.

Show comments