MANILA, Philippines - Balik sa dating nakagawain ang iskedyul ng mga karera mula sa araw na ito hanggang sa ikalawang linggo ng buwan ng Pebrero.
Nagpulong ang mga stakeholders ng horse racing sa tanggapan ng Philippine Racing Commission noong Lunes upang sipatin ang buti at di mabuting epekto sa ipinairal na sabay na karera ng dalawang racing clubs na San Lazaro Leisure Park at Santa Ana Park.
Lumabas na mas maraming masamang epekto na nangyari sa sabay na takbo sa magkabilang karera at ang tatamaan nito ay ang hanap na malaking kita ng dalawang racing clubs.
Nauna ng lumutang ang pagliit ng kita ng owners prize dahil sabay na idinadaos ang tagisan habang bawas din ang kita ng mga OTB na siyang katuwang ng mga racing clubs sa hangad na mas magandang kita.
Dati kasi ay dalawang racing tracks ang naseserbis-yuhan ng mga OTB pero sa sabay na karera, isang karerahan lamang ang kanilang tututukan ngunit ma-laking bilang ng tao at gastusin ang kailangang igugol.
Matapos mapag-aralan ang mga nangyari sa unang linggo ng sabay na karera, nagdesisyon ang lahat sa panukala ng Commission na ibalik sa isang linggo kada racing club ang karera.
Sa napagkasunduan, ang Santa Ana ang siyang magdaraos ng pista sa linggong ito (Enero 8 hanggang 13) bago lilipat sa San Lazaro mula Enero 15 hanggang 20.
Salitan na ang mangyayari hanggang sa Pebrero 12 hanggang 17 na kung saan ang tagisan ay gagawin sa lugar na pag-aari ng Manila Jockey Club.
Nagsakripisyo rin ang San Lazaro dahil nakahanay na ang kanilang programa sa linggong ito pero isinantabi dahil sa desisyon.
Isang pagpupulong ang maaaring kailanganin uli matapos ang Pebrero 12 hanggang 17 para pag-usapan ang puwedeng gawin kung sakaling tuluyang magbukas na ang ikatlong race track na Metro Manila Turf Club Inc.
Nag-abiso na ang MMTCI na may karerahan sa Malvar, Batangas na magsisimula na ang kanilang operasyon .