MANILA, Philippines - Naipagpatuloy ng Fruitas Shakers at Jose Rizal University ang magandang panalo na naiposte noong nakaraang taon upang manatiling buhay ang paghahabol sa puwesto sa susunod na round sa PBA D-League Aspirant’s Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Gumawa ng 23 puntos si Carlo Lastimosa habang 21 rebounds at 11 puntos ang ibinigay ni Olaide Adeogun at ang tropa ni coach Nash Racela na may three-game winning streak, ay umabante sa 4-3 baraha.
Nagsanib sa 15 puntos sina Lastimosa at Adeogun sa huling 10 minuto ng labanan na kinatampukan ng 15-6 palitan para tuluyang iwanan ang Icons na nakadikit sa 63-62.
“Magandang panalo ito dahil mabigat ang next two games namin,†wika ni Racela.
Sunod na laban ay kontra sa Jose Rizal at sa Cagayan Rising Sun na kailangan nilang maipanalo para gumanda ang laban sa No. 2 spot at awtomatikong puwesto sa semifinals.
Ang Heavy Bombers ay nagpatatag din nang gulatin ang Café France, 66-62, sa ikalawang laro.
May 15 puntos si Dexter Maiquez at inangkin ang huling apat na puntos ng tropa ni coach Vergel Meneses para tuhugin ang ikalawang sunod na panalo at 3-4 sa pangkalahatan.
Bukod sa magandang kamay ni Maiquez, sinamantala rin ng Bombers ang mga errors sa endgame ng Bakers upang matalo kahit hinawakan ang 62-60 sa huling 3:40 ng labanan.