MANILA, Philippines - Simula na ng best-of-seven series bukas ng Rain or Shine at Talk ‘N Text para sa kampeonato ng 2012-13 PBA Philippine Cup.
PBA finals ito ng kampeon sa 2012 Governors Cup o sa third conference ng nakaraang season – ang Elasto Painters -- at ang nagkampeon sa huling dalawang Philippine Cup na Tropang Texters.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng nakaraang 19 taon na ang defending all-Filipino champion ay magtatanggol ng korona laban sa third conference champion ng nakaraang season. Huling nangyari ito sa 1994 All-Filipino Cup finals nang ipinagtanggol ng Coney Island ang korona nito laban sa 1993 Governors Cup champion na San Miguel Beer.
Ang head coach ng Beermen noon ay ang head coach ng Tropang Texters ngayon na si Norman Black at ang nakalaban niyang coach noon ng Coney Island ay ang pinalitan niyang coach sa TNT na si Chot Reyes, na inakyat bilang head coach ng Smart Gilas National basketball program.
Nang tinalo ni Black si Reyes noon ay naging coach ng National team ang una sa 1994 Asian Games sa Hiroshima gamit ang kanyang Beermen bilang core players.
Ang tinalo naman ni Black at ng Beermen para sa 1993 Governors Cup title ay ang Swift na nasa ilalim noon ni Yeng Guiao. Nagwagi ang SMB sa best-of-7 Finals, 4-1. Import pa ng Beermen noon si Kenny Travis samantalang si Tony Harris naman para sa deposed champion Mighty Meaty Hotdogs.
Iyon ang nag-iisang paghaharap sa isang PBA finals nina Black at Guiao bago itong kanilang parating na paghaharap.