Gilas kumuha ng 6’9 Fil-Am para sa Dubai tourney

MANILA, Philippines - Kinuha ang 6’9 Fil-Am player na si Isaac Holstein na tanging player na idadagdag sa Smart Gilas Pilipinas team  na aalis bukas patungong Dubai para lumahok sa 2013 Dubai International Invitational championships.

Si Holstein ay produkto ng West Virginia State U at makakasama niya sa National team sina PBA players JayR Reyes, KG Canaleta, Ronjay Buenafe, mga cadet players  na sina Justin Melton, Matt Ganuelas, Garvo Lanete, Greg Slaughter, RR Garcia, Kevin Alas, Ronald Pascual at Jake Pascual bukod pa sa naturalized Filipino player na si Marcus Douthit.

Inalok si Japeth Aguilar ng slot sa Pambansang koponan ngunit pinili ng dating Talk ‘N Text slotman  na manatili sa US.

“Nobody knows what Japeth’s going to do. I don’t think even he knows what he wants to do,” sabi ni Smart Gilas coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account.

Pagkatapos ng  Dubai tourney, susunod ang Hong Kong Invitationals para sa National training pool.

Ang dalawang international invitational meets na ito ay bahagi ng ‘buildup’ ng Gilas para sa mga importanteng international meets na gaganapin sa huling bahagi ng taon.

Nakatakdang lumahok ang elite-Gilas sa FIBA Asia World Cup qualifier habang ang cadet team ay magtatanggol ng korona ng bansa sa Southeast Asian Games.

“To all asking why we don’t field imports: This is a learning and preparatory tourney. Kung may import tayo, di makakalaro at matututo ang mga bata natin,” sabi ni Reyes.

Sa Dubai tourney na magsisimula sa Huwebes, haharap ang Gilas sa tatlong koponan mula sa Lebanon, dalawa mula sa United Arab Emirates at tig-isang team mula sa Jordan at Kazakhstan. Maaaring gumamit ng dalawang import ang mga teams na kasali.

Hindi umaasa si Reyes na maganda ang pagtatapos ng team. “(We) have too much unfamiliarity to overcome and too little time.”

 

Show comments