MANILA, Philippines - Tuluyan nang pinalitan ni dating Barako Bull mentor Junel Baculi si interim coach Glenn Capacio bilang head coach ng Globalport.
Ito ang inihayag kahapon ni team owner Mikee Romero sa paghirang niya kay Baculi.
Sa ilalim ni Capacio, ang Batang Pier ang unang koponang nasibak sa 2012-2013 PBA Philippine Cup mula sa nakapanlulumong 1-13 win-loss record.
“I’m grateful to Glenn for accepting the challenge as our interim coach and laying the foundation of the team. He’s very humble and down-to-earth person,” ani Romero kay Capacio.
Tanging ang Meralco ang binigo ng Globalport kung saan nanakawan sina coaches Ryan Gregorio at Ronnie Magsanoc sa kanilang dugout sa SM MOA Arena sa Pasay City.
Inihatid naman ni Baculi, ang coach ng Philippine team na sinuportahan ni Romero at nag-uwi ng gold medal mula sa Southeast Asian Games noong 2007, ang Energy Colas sa semifinal round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup.
Sinabi naman ni Globalport basketball operation chief Erick Arejola na si Capacio ang magiging first assistant coach ni Baculi sa Batang Pier.
Nakatakdang simulan ni Baculi ang unang team practice ng Globalport sa Moro Lorenzo gym sa Ateneo.