Restless Heart humirit bago matapos ang 2012
MANILA, Philippines - Magandang pagtatapos ang ginawa ng tambalang Restless Heart at ni jockey CP Henson nang masama sila sa mga nanalo sa huling karera sa taong 2012 na itinakbo noong Lunes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Walang naging masamang epekto ang pagtakbo ng tambalan sa mas mataas na grupo nang kunin ang panalo sa class division 5 na magagamit bilang momentum para sa asam na mas produktibong kampanya sa 2013.
Hindi umubra ang husay ng Perfect Timing ni Ric Hipolito at bumaba ng grupo matapos makuntento sa ikalawang puwesto lamang sa datingan.
Nanalo sa huling takbo sa class division 4, tinapos ng Restless Heart ang 2012 bitbit ang dalawang dikit na panalo sa pagdomina sa class division 5.
Lumabas din ang kabayo bilang pinakadehadong nanalo sa araw na ito nang makapaghatid ng P33.50.
Ang forecast na 5-6 ay mayroong P264.50 dibidendo.
Ang iba pang nanalo ay ang Color Me Good, War Hawk, Lohrkes Tower, The Surgeon, Apo Belle, King Theodore, Midnight Break at Olajuwon/Black Parade.
Nakondisyon ang War Hawk sa laban para makatikim ng panalo nang manaig sa Boy Pick Up sa isang 4YO-M1-3YO-M1-2 karera na inilagay sa 1,200m distansya.
Sa kabilang banda, naipakita ng The Surgeon na hindi pa ito bagay sa mababang class division 1-C matapos ang panalo sa Eskapo.
Isang araw lamang ang takbo sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. dahil ang isang linggong karera mula Enero 3 hanggang 6 ay gagawin sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
- Latest