MANILA, Philippines - Tunay na ‘super horse’ ang Hagdang Bato sa 2012.
Hindi inintindi ng kabayong sakay ni jockey Jonathan Hernandez ang mahabang distansya na 2,000m nang magbanderang-tapos ang Hagdang Bato tungo sa paghablot ng 2012 Philracom Grand Derby Stakes race.
Ito ang huling stakes race na pinaglabanan sa taong ito na ginawa kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at nasa kondisyon ang nagdominang kabayo na may lahing Quaker Ridge sa Fire Down Under na iniwan ang mga katunggali sa backstretch tungo sa dominanteng panalo.
Hindi na kinailangan ni Hernandez na gumamit pa ng latigo at nakapirmis siyang nakapuwesto dahil kusang tumulin ang premyadong kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos tungo sa halos walong dipang panalo sa Chevrome.
Ito ang ikalawang stakes win ng Hagdang Bato sa buwan ng Disyembre para tapusin ang taon na hindi natalo matapos ang 11 takbo.
Ang marka ang ikalawang pinakamatindi na nakita sa horse racing kasunod ng 12-0 karta ng Real Spicy noong 2006. Balik-taya ang nangyari sa mga nanalig sa Hagdang Bato, habang tambalan sa forecast na 4-3 ay may P10.00 dibidendo.
Naunang nagpasikat sa huling araw ng karera sa taon sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. ay ang imported horse na Juggling Act na inangkin ang 2nd Vice President Jejomar Binay Cup na inilagay sa 1,750m distansya.
Nahawakan ng nanalong kabayo ang balya para makaalagwa sa mga naunang naglalaban-laban na Magna Carta, Botbo, Tensile Strength at Hari Ng Yambo tungo sa panalo.
Ang napaborang Magna Carta ay tumapos na lamang sa ikalimang puwesto matapos ang Botbo, Righthererightnow at Tensile Strength.
Ang karerang ito na sinahugan ng P1 milyong kabuuang premyo ay para sa Alay sa Kawal Foundation na tumutulong sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga sundalo.
Nagpasok ang win ng Juggling Act ng P24.50 habang ang 3-7 forecast ay mayroong P300.00 dibidendo.