MANILA, Philippines - Paano kaya ang bilyar ng Pilipinas kung wala ang isang Dennis Orcollo.
Ang 33-anyos na tubong Bislig, Surigao del Sur ang siyang nag-ingay sa panahong nananahimik ang ibang pinagpipitaganang pool players ng bansa upang masama pa rin ang Pilipinas bilang isa sa may mahuhusay na bilyarista sa mundo.
Dalawang major titles ang nakubra ni Orcollo sa taong 2012 para malagay siya sa ikatlong puwesto sa palakihan ng kinita base sa talaan ng AZBilliards.com.
Ang mga pinanalunan niyang titulo ay sa US 10-Ball Open at China Open na nagpasok sa kanya ng pinagsamang $55,000 premyo.
Mga Pinoy ang nalagay sa unang tatlong puwesto sa US 10-ball at tinalo ni Orcollo si Francisco Bustamante sa finals. Ang Fil-Canadian na si Alex Pagulayan ang pumangatlo.
Sa China Open, ang pambato ng host country na si Lu Hui-chan ang kinalos ni Orcollo sa finals para bitbitin din ang pinakamalaking premyo na $40,000.
Umabot sa 15 torneo ang kanyang sinalihan, nanalo rin si Orcollo sa 3rd Annual Hard Times 10-ball Open para sa $3,000 habang pumapangalawa sa prestihiyosong US Open 9-ball Championship nang yumukod kay Shane Van Boening ng USA.
Sa kabuuan, si Orcollo ay tumipak ng $101,150.00 na bagama’t mas maliit sa $117,588.00 noong 2011 ay pinakamataas pa rin sa hanay ng mga Pilipinong lumaban sa taong 2012.
Si Bustamante ang ikalawang Pinoy na kuminang pero nalalagay ito sa ika-15 puwesto bitbit lamang ang $30,025.00 kinita.
Walang major win si Bustamante sa taong ito at ang pinakamagandang naitala ay ang dalawang minor na panalo sa Chuck Markulis Memorial One Pocket Division at 9-ball Division.
Si Pagulayan ay tumapos sa mas mataas na pang-anim na puwesto sa $50,750.00 pero kinatawan niya sa mga nilahukang torneo ang bansang Canada.
Nanguna sa talaan si Van Boening sa $139,923.00 bago sumunod si Darren Appleton sa $109,904.00.