MANILA, Philippines - Nakondisyon ang Roxy Eyes upang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa ikalawang gabi ng pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite.
Ang apprentice rider na si Dar De Ocampo ang siyang kuminang sa anim na taong kabayo na umuna lamang pagpasok sa huling kurbada sa class division 1-B race sa 1,400m distansya.
Wala sa porma ang mga napaborang kabayo dahil ang Miss Pangao na sakay din ng apprentice rider na si LT Cuadra Jr. ang nakaremate pa para malagay sa ikalawang puwesto.
Tapos na ang Pasko pero may karagdagang aginaldo ang mga mananaya dahil nagpamahagi ang win ng Roxy Eyes ng P84.50 habang P1,388.00 ang dibidendo sa 3-7 forecast. Ang nanalong kabayo na may lahing Conquistarose sa inahing Beautiful Eyes ay nanalo gamit ang magaan na peso na 50.5 kilos.
Isa pang dehado na nanalo ay ang Ooh La La’s Gold ni GM Mejico na nanalo sa huling race 7 sa 1,400m distansyang karera.
Nagpamahagi ang di inaasahang panalo ng Ooh La La’s Gold ng P49.00 habang P113.50 ang dibidendo sa 2-8 forecast.
Lumabas bilang pina-kaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Mr. Integrity sa 1,400m class division six race.
Bumalik sa grupo ang kabayong sakay ni jockey JB Bacaycay matapos bumaba at nanalo sa class division 5 sa huling takbo at hindi naman ipinahiya ni Bacaycay ang pagtitiwala ng mga karerista sa husay ng kabayo nang manalo sa Symphony.
Ang win ay mayroong P5.00 pero bumawi ang dibidendo sa forecast sa P27.50 dibidendo.