MANILA, Philippines - Sa taong 2012, nakita ang pagbaba ni Manny Pacquiao mula sa mataas na pedestal na kanyang kinalugaran sa loob ng mahabang taon.
Dalawang laban ang hinarap ni Pacquiao ngunit parehong nauwi sa bangungot ang mga resulta nito para umulan na rin ng panawagan na siya ay magretiro na.
Ang walang talong si Timothy Bradley, Jr. ang naunang sumukat sa husay ni Pacquiao at gumawa pa ng eksena ang dating WBO light welterweight champion sa press conference nang maglabas ng novelty ticket at nakalagay ang petsang Nobyembre 10, 2012 bilang araw ng Pacquiao-Bradley 2.
Ginawa niya ito dahil siya ang mananalo sa kanilang unang tagisan na umani ng mainit na ngiti kay ‘Pacman’.
Ngunit pumanig kay Bradley ang kapalaran dahil matapos ang 12 rounds ay itinaas ang kanyang mga kamay na ikinagulat ng mga sumaksi.
Si Pacquiao ang nagdala ng laban kay Bradley at nakapagpatama ng mas maraming suntok pero para sa mata nina judges CJ Ross at Duane Ford ay nanalo si Bradley sa 115-113 iskor upang tabunan ang ganitong iskor na ibinigay ni Jerry Roth sa pambato ng Pilipinas.
Tinanggap ni Pacquiao ang masaklap na pagkatalo na nagresulta sa paghubad sa hawak na WBO welterweight title at pagwawakas ng 15-fight winning streak na nagsimula noong Setyembre 10, 2005 sa pamamagitan ng TKO panalo sa sixth round laban kay Hector Velasquez.
Sunod na ikinasa ni Bob Arum ang ikaapat na pagkikita nina Pacquiao at Juan Manuel Marquez noong Disyembre 8 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas matapos ang pagkapurnada muli sa paghaharap ng Kongresista ng Sarangani at ng walang talong five-division champion na si Floyd Mayweather, Jr.
Puspusan na nagsanay si Marquez dahil nais niyang patunayan sa lahat na nadaya siya sa huling dalawang laban na kung saan si Pacquiao ay nanalo sa pamamagitan ng split at majority decisions.
Sa kabilang banda, si Pacquiao ay nag-ubos ng unang tatlong linggo sa planong walong linggong training sa bansa at ang bagay na ito ay isa sa nakaapekto sa ipinakita sa laban.
Bagama’t nasilayan ang angking bilis, kapansin-pansin naman ang kahinaan na ni Pacquiao na tumanggap ng malalakas na suntok.
Isang overhead right galing kay Marquez ang nagpatihaya sa kanya sa third round. Bumawi si Pacquiao nang paluhurin si Marquez sa fifth round ngunit napa-sama ito sa kanyang diskarte.
Sa sixth round ay nagkumpiyansa si Pacquiao at di namalayan naiwang bukas ang kanyang panga. Ang panandaliang mental lapse sa huling segundo bago natapos ang round ang kinapitalisa ni Marquez na nagpakawala ng matinding kanan.
Una ang mukha na bumulagta si Pacquiao at nang magising ay nagdiriwang na ang kampo ni Marquez sa kabilang kanto ng kuwadradong lona.
Bagama’t parehong talo, panalo naman si Pacquiao kung kita ang pag-uusapan at sa laban kontra kay Marquez ay nakapag-uwi ng hindi bababa sa US$20 mil-yon kita dahil sa $10 milyon kita sa mga nanood sa venue at $70 milyon sa Pay Per View.
Isinantabi ni Pacquiao ang kahilingan na siya ay magretiro na at nangakong babalik sa 2013. Pero lahat ng ito ay nakadepende sa magiging resulta ng pagsusuri ng mga espesyalista sa utak sa US na balak gawin muna ni Arum upang matiyak na walang masamang epekto sa kanyang kalusugan ang nangyaring KO na pagkatalo