Pinakamahusay na 2YO makikilala na ngayon
MANILA, Philippines - Makikilala ngayong hapon kung sino ang hihirangin bilang pinakamahusay na 2-year old horse sa pagtakbo ng 2012 Philracom Juvenile Championship sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa isang milyang distansya inilagay ang bakbakan at may 11 kabayo ang magsusukatan ng galing para makuha ang tagumpay at ang P1.5 milyon na ibibigay.
Ang mga kasali ay ang Sky Dragon (AB Alcasid Jr.), Grand Strikes Girl (JPA Guce), Apo (JA Guce), Alta’s Finest (RG Fernandez), Be Humble (JB Hernandez), Borjkahlifa (P Dilema) at Captain Ball (JT Zarate), Boss Jaden (JB Bacaycay), Pantukan (FM Raquel Jr.), Spinning Ridge (V Dilema) at Five Star (JB Guce).
Ang mga lalabas na matikas na kabayo ay ang Boss Jaden, Grand Strikes Girl, Pantukan, Spinning Ridge at Five Star upang mapaboran sa tagisan.
Lumalabas na ang Boss Jaden na sasakyan ni JB Bacaycay ang may pinakamaraming panalo dahil bukod sa tagumpay sa PSCO Maiden Race, kampeon din ang kabayo sa itinaguyod na karera ng Philracom at Klub Don Juan.
Ang Five Star at Spinning Ridge ay nagdomina naman sa pakarera ng MARHO na pinaglabanan sa 1,600m distansya, ang haba ng paglalabanan ngayon.
Ang papangalawa ay tatanggap ng P562,500.00 at P312,500.00 at P125,000.00 ang ibubulsa ng papangatlo at papang-apat sa datingan, ayon sa pagkakasunod.
Premyong P75,000.00 breeders’ purse ang mapupunta sa nagpalahi sa nanalong kabayo.
- Latest