MANILA, Philippines - Sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na malaki ang tsansa ng bansa na makuha ang karapatan sa pamamahala sa 2013 FIBA-Asia Championship sa Agosto.
“We have a decent chance of hosting the FIBA-Asia Championships next year, discussing it with Hagop,” wika ni Pangilinan, muling nabigyan ng four-year term bilang pangulo ng SBP.
Ang tinutukoy ni Pangilinan ay si FIBA-Asia secretary-general Hagop Khajirian, isang Lebanese na ang bansa ay binigyan ng international basketball body ng pagkakataong pangasiwaan ang 2013 FIBA-Asia Championships.
Ang torneo ang magsisilbing qualifier para sa 2014 FIBA World Championship.
Dahil sa problema sa seguridad sa Lebanon, may usap-usapang mapupuwersa itong isuko ang pagho-host sa torneo.
“In the end, it will be up to Lebanon and FIBA-Asia,” wika naman ni SBP executive director at dating PBA Commissioner Sonny Barrios.