MANILA, Philippines - Nagkampeon si Manny Pacquiao sa walong magkakaibang weight divisions.
Kasalukuyan namang may apat na korona si unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. mula sa apat na weight category.
Sa panayam ni Boy Abunda sa programang Bandila ng ABS-CBN noong Biyernes ng gabi, sinabi ng 30-anyos na si Donaire na wala siyang planong pantayan o higitan ang pagiging world eight-division champion ng 34-anyos na si Pacquiao.
“Ang sa akin lang, I want to make my country proud sa bawat laban ko, sa bawat panalo ko at gagawin ko talaga lahat ng makakaya ko,” sabi ni Donaire.
Pinabagsak ni Donaire si Mexican challenger Jorge Arce sa huling segundo ng third round noong Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Matagumpay na naipagtanggol ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire ang kanyang hawak na World Boxing Organization super bantamweight belt laban sa 34-anyos na si Arce na tuluyan nang nagretiro.
Kung mabibigyan naman ng tsansang makalaban si Juan Manuel Marquez ay gagawin ito ni Donaire para maiganti si Pacquiao.
“For now it’s impossible pero kung may posibilidad ay gagawin ko,” sabi ng 30-anyos na si Donaire sa pag-akyat niya sa welterweight division para lamang makatapat ang 39-anyos na si Marquez.
Pinatulog ni Marquez ang Filipino world eight-division titlist na si Pacquiao sa huling segundo ng sixth round sa kanilang pang-apat na paghaharap noong Disyembre 9 sa MGM Grand.