Knicks dinomina ang Nets

NEW YORK -- Nagtagumpay ang New York Knicks sa kanilang unang laro sa sariling balwarte kontra sa kanilang karibal na Brooklyn Nets, 100-86 upang higit na layuan ito sa karera sa Atlantic Division ng Eastern Confe-rence.

Umiskor si Carmelo Anthony ng 31-points sa kanyang pagbabalik mula sa ankle injury habang nag-ambag si J. R. Smith ng 19 points para sa Knicks na nakipaggitgitan sa Brooklyn sa kanilang unang dalawang pagkikita ngayong season ngunit dinomina nila ang larong ito.

Umiskor si Joe Johnson ng 17-points para sa Nets.

Sa Atlanta, dumiretso ang Oklahoma City sa ika-12 sunod na panalo matapos ang 100-92 tagumpay kontra sa Atlanta Hawks nitong Miyerkules sa pagbibida ni Kevin Durant na tumapos ng 41-points at 13-rebounds.

Umiskor si Russell Westbrook ng 27-points, 21 sa first half at may 11-assists sa Thunder na pinantayan ang kanilang pinakamahabang winning streak para sa prangkisa.

Nasa likod lamang  ng Thunder ang  Los Angeles Clippers  na nagtala ng 11 sunod na panalo habang sunud-sunod din ang panalo ng New York at Memphis.

Umangat ang Oklahoma City sa 21-4  na siyang best-record ngayon  sa NBA.

Umiskor si Jeff Teague ng 19-points upang pamunuan ang Atlanta.

Ang Memphis Grizzlies na nangunguna sa Southwest Division ay nanalo ng ikatlong sunod matapos igupo ang Milwaukee Bucks, 90-80.

Nanalo naman ang Sacramento matapos ang anim na laro nang kanilang igupo ang Golden State, 131-127.

 

Show comments