MANILA, Philippines - Nagkakamali si Nonito Donaire Jr. kung iisipin niyang pipitsugin ang Cubanong WBA champion na si Guillermo Rigondeaux.
Ito ang inihayag ng manager ni Rigondeaux na si Gary Hyde na ibinisto rin ang napipintong pagkikita ng dalawang kampeon sa super bantamweight sa 2013.
“Promoter Bob Arum promised me Rigo-Donaire fight will be in June, 2013,” wika ni Hyde sa panayam ng El Nuevo Herald.
May 11-0, 8 KOs, si Rigondeaux ay nakatandang bumalik ng ring sa Pebrero na magsisilbing tune-up fight niya bago harapin si Donaire, ang WBO at Ring champion na may 31-1, 20 KOs.
Apat na panalo ang kinuha ni Donaire sa taong ito at tinapos niya ang mabungang kampanya gamit ang third round knockout na panalo laban sa knockout artist na si Jorge Arce ng Mexico noong Linggo sa Toyota Center, Houston, Texas.
Naihayag ni Donaire na ayaw niyang makalaban ang Cubano pero kung maisasara lalo pa’t si Arum ang kanilang promoter, ay naniniwalang madaling laban ito sa kanya.
Binalaan naman siya ni Hyde na huwag magkumpiyansa ng sobra dahil magiging bangungot niya si Rigondeaux.
“Rigo is the biggest nightmare of Donaire. Rigo is very willing to confront him because he knows his weaknesses. I’m so confident Rigo will defeat Donaire and will put him among the Cuban elite boxers,” dagdag ni Hyde.
Sa ngayon, nanamnamin muna ni Do-naire ang Pasko at Bagong Taon.