2-0 tangka ng TNT, RoS

MANILA, Philippines - Ambisyon ng Rain or Shine at Talk ‘N Text ang isang 2-0 na bentahe sa kani-kanilang best-of-7 semifinals sa pagdako ng 2012-13 PBA Philippine Cup playoffs sa Mall of Asia Arena ngayon.

Makakaharap ng Elasto Painters ang San Mig Coffee Mixers sa Game 2 ng kanilang serye sa alas-5:15 ng hapon na susundan naman ng bakbakan ng Tropang Texters at Alaska Aces sa Game 2 din ng kanilang serye sa alas-7:30 ng gabi.

Tinalo ng Rain or Shine ang San Mig Coffee, 91-83 samantalang wagi naman ang Talk ‘N Text sa Alaska, 66-65 noong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum para parehong makauna sa kani-kanilang mga semis series.

Sa buong kasaysayan ng mga best-of-7 serye ng liga – sa semis man o sa finals – 69%, o 63 sa kabuuang 92 na nanalo sa Game 1 ang nanalo sa serye, bagay na nagbibigay pag-asa kay Rain or Shine head coach Yeng Guiao, bagama’t alam din nito na mahaba pa ang labanan.

“Too early -- this is a seven-game series. It’s just the first game but if I’m not mistaken you win the first game you have a close to 70% chance of winning series. So we want to be in that position. You want to have that edge. You want to have any kind of edge in this situation. But I’m very happy with the way things turned out,” pahayag ni Guiao, na natuwa sa trinabaho ng kanyang mga players sa rebounds at sa kanilang pagtutulungan sa opensa.

Sa serye ng dalawang koponang pinakamagaling sa depensa sa conference, namayani ang Rain or Shine dahil sa kanilang opensa sa pangunguna ng 18 puntos ni Jeff Chan.

 

Show comments