MANILA, Philippines - Kung wala nang magiging kontensyon, tiyak nang si world unified champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ang hihirangin bilang 2012 Fighter of the Year mula sa kanyang apat na magkakasunod na panalo ngayong taon.
Ngunit ayaw munang manigurado ng 30-anyos na tubong Talibon, Bohol kaugnay sa naturang parangal.
“Hindi ko po iniisip ‘yon eh. For me, ginagawa ko lahat ng makakaya ko inside the ring, and kung ano ang opinyon ng mga tao at mga sportswriters, then I’m honored,” sabi ni Donaire, nagbalik sa Pilipinas noong Martes ng umaga mula sa San Francisco, USA.
Ang apat na tinalo ni Donaire (31-1-0, 20 KOs) ngayong taon ay sina Wilfredo Vazquez, Jr. (22-2-1, 19 KOs) ng Puerto Rico, Jeffrey Mathebula (26-4-2, 14 KOs) ng South Africa, Toshiaki Nishioka (39-5-3, 24 KOs) ng Japan at Jorge Arce ng Mexico (61-7-2, 46 KOs).
Isang split decision win ang kinuha ni Donaire laban kay Vazquez para angkinin ang bakanteng WBO super bantamweight title noong Pebrero 4, habang isang unanimous decision victory ang itinala ni Donaire laban kay Mathebula noong Hulyo 7 para sa WBO at IBF super bantamweight crowns.
Pinabagsak naman ni Donaire si Nishioka sa ninth-round para sa WBO super bantamweight belt noong Oktubre 13 bago isinunod si Arce mula sa isang third-round KO win para sa nasabi ring korona noong Disyembre 15.
Ang naturang mga panalo ang sinasabing tumiyak sa pagbibigay kay Donaire ng karangalan bilang 2012 Fighter of the Year.
“Malaking karangalan sa akin. Sana maging Fighter of the Year ako, but again, I always leave it up sa mga votes ng mga tao,” sabi ni Donaire.