Silver at bronze sa Team-UAAP Phils. sa ASEAN Uni Games
MANILA, Philippines - Isang pilak at bronze medal lamang ang nakuha ng Pilipinas sa pagpapatuloy kahapon ng 16th ASEAN University Games sa Vientiane, Laos.
Ang National athlete na si Josie Malacad ang nagsalba sa sana’y kawalan ng medalya ng Team UAAP-Philippines nang pumangalawa sa 400m hurdles sa bilis na 1:03.48. Ang ginto ay nakuha ni Nguyen Huyen ng Vietnam sa 1:01.17.
Si Dalyn Carmen ang umani ng bronze medal sa women’s 3000m steeplechase sa 12:10.73 tiyempo.
Ang mahinang performance ay nangyari isang araw matapos ang apat na pilak na kinubra ng lumaban sa pangunguna ni Patrick Unso na gumawa ng bagong Philippine record sa 110m hurdles.
Naorasan ang 18-anyos na si Unso na naglaro sa 2011 Indonesia SEA Games ng 14.49 segundo para tabunan ang dating marka na 14.58 segundo na ginawa sa Indonesia.
Lumaban din kahapon si Unso pero hanggang pang-apat lamang siya sa 400m hurdles sa 54.45 segundo tiyempo.
Napantayan naman ni Janry Ubas ang kanyang personal best na 7.01m marka sa men’s long jump pero pang-anim lamang siya na tumapos sa event.
Ang mga tankers na sina Nikita Decera, Johansen Aguilar at Jasmine Ong ay kinapos at tumapos sa pang-apat sa men’s 800m freestyle at 200-m indivi-dual medley at women’s 800m freestyle.
Nananatili pa rin sa ikaanim na puwesto ang pambansang koponan bitbit ang 2 ginto, 8 pilak at 10 bronze medals pero nalalagay sila sa alanganin sa hamon ng Singapore na may 2 ginto, 3 pilak at 13 bronze medals.
Una pa rin ang Malaysia sa 41-26-39.
- Latest