6 ang pinagpipiliang papalit kay Alas

MANILA, Philippines - Anim na kandidato na naghahangad makamit ang iniwang trabaho ni coach Louie Alas sa Letran Knights ang kasalukuyang sumasailalim sa screening ng Letran College.

Isa na dito, ayon kay Fr. Vic Calvo, OP, ang athletic director ng Letran at chairman ng NCAA Ma-nagement Committee, ay isang alumnus.

“Nakausap na namin sila. We’ll name a coach out of this shortlist on December 22,” wika ni Calvo sa magiging kapalit ni Alas, epektibong lilisanin ang Knights sa Disyembre 31 ngayong taon.

Ang nasabing alumnus ay si mentor Larry Albano na iginiya ang Knights na pinangunahan ni PBA player Samboy Lim, sa tatlong magkakasunod na NCAA titles noong 1982 hanggang 1984.

Kasama din sa listahan sina Rain or Shine assistant coach Caloy Garcia, dating University of Santo Tomas at Phl Basketball League mentor Nel Parado, dating Letran star Ronjay Enrile, Justino Pinat at ang kasalukuyang Letran high school coach na si Raymond Gavierres.

Sina Enrile, naglaro sa PBA at Pinat ay mga assistant coaches ni Alas sa Knights.

“We’re not limiting our candidates to a certain number, they can still apply until before December 22,” wika ni Calvo sa mga nagnanais na makuha ang iiwang trabaho ni Alas.

 Ang 74-anyos na si Albano ang naging coach ni Lim na kinilalang ‘The Skywalker’ sa kanyang pag-akyat sa PBA.

Dati namang miyembro ng Letran Squires si Garcia bago lumipat sa St. Benilde para maglaro sa Bla-zers sa NCAA kasunod ang kanyang pagiging coach ng Welcoat at Rain or Shine.

Maliban sa Letran, ang iba pang naghahanap ng kani-kanilang mga bagong head coach ay ang San Beda, St. Benilde, Mapua at San Sebastian.

 

Show comments