MANILA, Philippines - Nakitaan ng pangalawang lakas ang Kissable Toys para masama sa mga nanalo sa pagtatapos ng pista noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Napaboran ang nasabing kabayo na sakay ni jockey Hermie Dilema mula sa anim na naglaban pero nalagay sa alanganin ang inasahang panalo nang sa huling 100m ng 1,400m karera ay nakalamang na ang pangatlong paborito na Nzee ni class D jockey RO Niu Jr.
Pero handa ang Kissable Toys sa hamong ito at napalabas pa ni Dilema ang itinatagong tulin ng sakay na kabayo sa huling 50 metro tungo sa isang dipang panalo.
Naorasan ang nanalong kabayo ng 1:33 mula sa kuwartos na 13, 25’, 26’, 28, para makuha ang panalo sa unang takbo sa huling buwan ng taong 2012.
Dikit-dikit ang bentahan ng mga naglaban kaya’t pumalo pa sa P20.50 ang win habang nasa P31.50 ang inabot sa 4-6 forecast.
Ang lumabas na pinakadehadong kabayo na nanalo ay ang Dy San Diego na ginabayan ni Kevin Abobo, ang lumabas na winningest jockey sa araw na ito.
Third choice sa bentahan ng walong kabayo ang Dy San Diego na tumakbo kasama ang coupled entry na Divine Choice.
Hindi umabot ang mga kalaban sa pangunguna ng Crucis ni Jessie Guce na napahirapan ng ipinataw na 57 kilos handicap weight.
Nakabawi ang tambalan mula sa ikalimang puwes-tong pagtatapos sa huling karera noong Disyembre 2 at ang win ng kabayong anak ng Half Hennessy at Colchis ay nagpamahagi ng P33.50. Ang 5-6 forecast ay may P65.50 dibidendo.
Ang Dy San Diego ang isa sa tatlong kabayong naipanalo ni Abobo sa huling araw ng karera sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc.
Kuminang ang Tiger Run sa ikalawang takbo matapos ibalik mula sa walong buwang pamama-hinga nang hiyain ang napaborang Mr. Integrity.
Ang huling kabayo na nanalo ay ang Batangas Force sa huling race 12.
Pangalawa lamang ang Savour D’Champagne at tulad ng Mr. Integrity ay sakay ni Guce.