MANILA, Philippines - Iigting pa ang paghahabol para sa ikalawang awtomatikong puwesto sa semifinals sa pagsalang ngayon ng Cagayan Rising Suns at Big Chill sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft, Manila.
Ang Suns at Super Chargers sa ngayon ay kasama ng pahingang Blackwater Sports at Café France sa ikalawang puwesto bitbit ang 4-2 karta kaya’t tiyak na pupukpok ang dalawang nabanggit na koponan para makalayo ng kaunti sa katunggali sa puwesto.
Unang sasalang ang Suns laban sa Jose Rizal University sa ganap na ika-12 ng tanghali bago sundan ang Super Chargers at Erase Xfoliant dakong alas-2 ng hapon.
Halos dalawang linggo na napahinga ang tropa ni coach Alvin Pua matapos lasapin ang 75-84 pagkatalo sa NLEX noong Disyembre 4.
Wala umanong epekto ang pahingang ito ayon kay coach Alvin Pua dahil determinado ang kanyang bataan na maisakatuparan ang hangaring makapasok agad sa semifinals.
“Motivated kami na manalo sa larong ito dahil must-win kami every game. I hope this mindset will help us in our next games,” wika ni Pua.
Ang Heavy Bombers ay may 1-4 baraha at kahit naghihingalo na ay pupukpok pa rin ang tropa ni coach Vergel Meneses bilang paghahanda para sa next conference.
“Late na kaming nabuo kaya hirap pa sa chemistry. Malabo na kami pero we will give our best because this will be part of our pre-paration for the next conference,” wika ni Meneses.
Pigilan ang dalawang dikit na pagkatalo ang isa pa sa magpapainit sa tropa ni coach Robert Sison sa pagharap sa Erasers na nais ding wakasan ang 3-game losing streak.
“The race for the outright semis berth is very tight that it is important for us to win this game. Erase is a dangerous team and we have to improve on our defense if we want to win,” wika ni Sison.
Ang NLEX na nagsosolo sa unahan sa 8-1 baraha ang nakakubra na ng unang awtomatikong semis seat.