Magle-level up si Donaire aakyat sa Featherweight Division

MANILA, Philippines - Sa kanyang patuloy na pagdomina sa super bantamweight division, inaasahan nang aakyat sa featherweight class si world unified champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. para sa kanyang susunod na laban sa 2013.

Ngunit may dalawa pang naghahamon sa 30-an-yos na WBO at IBF super bantamweight king na si Donaire (31-1-0, 20 KOs).

Ito ay sina Guillermo Rigondeaux ng Cuba at Abner Mares ng Mexico.

Hindi natuloy ang laban sana ni Rigondeaux (11-0, 8 KOs), ang dating  two-time Olympic gold me-dalist, kay dating titleholder Poonsawat Kratingdaenggym (48-2, 33 KOs) ng Thailand na nasa undercard ng laban ni Donaire kay Jorge Arce (61-7-2, 46 KOs) sa Toyota Center sa Houston, Texas noong Linggo.

Bumagsak si Kratingdaenggym sa kanilang prefight blood test at hindi binigyan ng lisensyang lumaban ng Texas Department of Licensing and Regulation.

Dahil dito, pinanood na lamang ng 32-anyos na si Rigondeaux, ang WBA super bantamweight ruler, sa ringside ang pagpapabagsak ni Donaire sa 33-anyos na si Arce sa huling segundo sa third round.

Kung hindi naman kaagad na maitatakda ang kanyang laban kay Rigondeaux, ang 27-anyos na si Mares (25-0-1, 13 KOs), ang kasalukuyang WBC super bantamweight titlist, ang maaaring labanan ni Donaire.

“Bring ‘em all on,” sabi ni Donaire. “Mares is my first choice because he’s calling me out, but we have Rigondeaux ready if that fight cannot be made.”

Sina Donaire at Rigondeaux ay nasa bakuran ng Top Rank Promotions ni Bob Arum, habang si Mares ay nasa kampo naman ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya.

Kumpiyansa si Donaire na kaya niyang pabagsakin ang lahat ng itatapat sa kanya ni Arum.

“I sat down on it, and when I sit down on that left hook, I will knockout anybody,” sabing tubong Talibon, Bohol at ngayon ay nakabase sa San Leandro, California.

Ang patuloy na dominasyon ni Donaire sa super bantamweight class ang nakikita rin ni trainer Robert Garcia.

 

Show comments