JB Guce tagumpay sa pagbabalik sa Indy Hay
MANILA, Philippines - Matagumpay ang na-ging pagbabalik ni jockey JB Guce sa kabayong Indy Hay nang maipanalo niya ito sa nilahukang karera noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Unang takbo ito ng kabayo at kumarera sa 2nd PCSO-Quill Challenge Cup na inilagay sa 1,400m distansya at hindi napigilan ang pag-arangkada ng Indy Hay pagsapit sa huling kurbada para sa unang panalo sa buwan ng Disyembre.
Si Guce ang regular na hinete ng kabayo ngunit hinalinhinan siya ni Val Dilema matapos diskartehan ang Magna Carta sa idinaos na Amb. Eduardo ‘Danding’ Cojuangco Cup noong Nobyembre 18.
Nagkampeon ang Magna Carta habang pang-anim lamang na tumapos ang Indy Hay sa nasabing karera.
Ang mas napaboran na Divine, hawak ni Pat Dilema na pumanglima sa Cojuangco Cup, ang sumegundo bago sunod na tumawid ang paboritong Azkals ni Rodeo Fernandez.
Lumabas bilang pina-kadehado ang Indy Hay sa mga nanalo sa 10 karerang pinaglabanan matapos magpasok ng P34.50. Ang forecast na 7-4 ay may mas malaking P172.50 dibidendo.
Ang hineteng nagpasikat ay si jockey Jonathan Hernandez matapos makadalawang panalo sa pang-anim na araw ng pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Ikalawang sunod na pagdiskarte ito ni Hernandez matapos ilagay sa segundo puwesto ang Able Minister sa Philtobo Juvenile Fillies race noong nakaraang Disyembre 9.
Tulak-tulak lang at ilang tapik gamit ang latigo ang ginawa ni Hernandez sa Able Minister para umarangkada ito sa meta.
Ang ikalawang ka-bayo na naipanalo ng class A jockey ay ang Life Is Beautiful sa huling karera na pinaglabanan sa 1,400m distansya.
Liyamado sa lahat ang Life Is Beautiful na naunang nakipagbakbakan sa Salute To Heaven bago isinantabi ang malakas na pagdating ng Money Queen na pumangalawa sa karera.
- Latest