Azkals hindi dapat madismaya kundi maging inspirado

MANILA, Philippines - Imbes na panghinaan ng loob dahil sa kanilang kabiguan na makapasok sa championship round ng 2012 AFF Suzuki Cup, dapat pa itong gamitin ng Philippine Azkals para sa kanilang pagsabak sa mga susunod na torneo.

“Disappointing kasi target talaga namin ang makapasok sa finals. Konting kayod na lang sana, pero ayun, siguro hindi talaga para sa atin ang finals. Kailangang tanggapin at bumawi na lang next time,” sabi ni Phl goalkeeper Ed Sacapaño sa isang panayam sa Sports Radio.

Tinalo ng Singapore Lions ang Azkals, 1-0, sa sa second leg ng kanilang semifinal tie na idinaos sa Jalan Besar Stadium sa Singapore.

Nauna nang pinuwer-sa ng Azkals ang Lions sa isang scoreless draw sa first leg sa Manila.

“Dapat heads up kami, hindi kailangang bumaba ang morale namin kasi marami pang tournament na darating. Magpreprepara na lang kami for Challenge Cup (qualifiers) this coming March,” ani Sacapaño.

Si Sacapaño ang sumalo sa mga naiwang trabaho nina goalkeepers Neil Etheridge at Roland Mul-ler sa 2012 Suzuki Cup.

“Actually, talagang kaya ko naman; wala lang talaga akong break dati. Tanggap ko naman pero kahit andyan si Neil, lagi pa rin akong naghahanda para in case na mabigyan ng break. Ayun nagka-break sa Suzuki Cup at nadala naman ang team sa semifinals,” dagdag pa nito.

Matapos ang 1-2 kabi-guan ng Azkals sa Thailand, naging matibay naman ang depensa ni Sacapaño laban sa Vietnam, Myanmar at Singapore.

Ngunit dumating ang  19th-minute game-winner ni Khairul Amri mula sa free kick sa second leg na siyang sumibak sa Azkals.

“Nag-organize ako ng wall so wala ako sa puwesto. Tapos yung referee hindi nag-whistle bago ibigay ang bola. Nagulat na lang ako nang sipain ng Singapore yung bola sa kasama nila sa harapan. Wala ako sa puwesto at yung depensa ko hindi rin nakagalaw kasi nagulat rin sila. Wala talaga ako sa puwesto  at hindi ko nakita,” aniya.

 

Show comments