Panahon na ni Donaire umiskor ng knockout kay Arce sa 3rd round
MANILA, Philippines - Naibalik ni Nonito Donaire Jr. ang mataas na pagtingin ng mundo sa mga Filipino boxers nang kanyang patulugin sa ikatlong round ang kilalang knockout artist na si Jorge Arce ng Mexico kahapon sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Mas marami ang naghihiyawan para kay Arce, marahil dahil sa nakuhang 6th round knockout na panalo ni Juan Manuel Marquez sa Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao noong Disyembre 9, pero pinatahimik ni Donaire ang mga ito gamit ang counter left hook para tumumba sa ikatlo at huling pagkakataon ang katunggali.
Natapos ang laban sa 2:59 sa orasan at napanatili ng 30-anyos na si Donaire ang Ring Magazine at WBO super bantamweight titles.
“Arce is a tough guy. He actually got me in the body. I went out there and pretty much timed him and caught him with a good straight right hand and that counter hook,” wika ni Donaire na naiangat ang karta sa 31 panalo sa 32 laban kasama ang 20 KOs.
Dalawang beses munang tumumba si Arce sa ikalawang round at nangyari ang ikatlong knockdown nang sumablay siya sa isang pinakawalang suntok.
Minalas pa na naibaba niya ang kanyang depensa para saktong tamaan ng malakas na kaliwa sa panga tungo sa pagkatalo at tuluyang pagreretiro sa boxing.
“I promised my family if I lost, I would leave,” wika ng 33-anyos na si Arce na lumasap ng ikapitong pagkatalo matapos ang 71 laban.
Si Arce ang ikaapat na boksingerong hinarap ni Donaire sa taong ito. Una niyang tinalo ang Puerto Rican na si Wilfredo Vasquez Jr. noong Pebrero 4 sa pamamagitan ng split decision upang angkinin ang bakanteng WBO title. Sunod niyang tinalo sa unanimous decision si Jeff Mathebula ng South Africa noong Hulyo 7 para kunin din ang IBF title bago isinunod ang maa-lamat na dating Japanese champion na si Toshiaki Nishioka noong Oktubre 13 sa isang 9th round TKO.
Pinasalamatan din ni Donaire ang Sambayanang Pilipino na nanalangin sa kanyang tagumpay na tumabon sa pagkatalo ni Pacquiao.
- Latest