MANILA, Philippines - Mga bata man ang ipinanlaban ay hindi pa rin nabigo ang University of the East sa pagdodomina sa fencing nang angkinin ang men’s at women’s titles sa 75th UAAP season sa Philsports Arena sa Pasig City noong Biyernes.
Humakot ng apat na ginto ang 16-anyos na si Nathaniel Perez para pamunuan ang Warriors na mayroon ding tatlong pilak at dalawang tanso, habang apat ding ginto ang napasakamay ng Lady Warriors kasama pa ang dalawang pilak at isang tansong medalya.
Si Perez ang hinirang na Rookie at MVP kagaya ni Justine Gail Tinio sa kababaihan.
Si Perez ay nanalo sa men’s individual foil at epee event.
Kasama din siya sa men’s foil at epee team para tulungan ang Warriors na makatikim muli ng titulo na huling nangyari noong 2009 UAAP.
“First year ko pa lang pero nakatikim na agad ako ng championship, kaya masaya ako. Pagsisikapan namin na maka-back-to-back next year,” pahayag ni Perez.
Pumangalawa sa UE na naibulsa rin ang ikawalong titulo sa kalalakihan, ang Ateneo naman ay may dalawang gintong medalya.
Ang La Salle ang pumangatlo mula sa dalawang silver at dalawang bronze medals.
Sumegunda sa Lady Warriors na nagkampeon sa ikaanim na sunod na taon patungo sa ikapitong titulo sa pangkalahatan ang UST sa nakuhang 1-1-2 kasunod ang La Salle na may 1-2-0.