MANILA, Philippines - Dahil sa pagkatalo ni Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez noong Sabado, bumagsak ito sa No. 7 mula sa pagiging numero uno sa Ring Magazine pound-for-pound ranking list.
Matapos ang kanyang sunud-sunod na tagumpay, nakuha niya ang pagiging numero uno ngunit nang lumaban uli si Floyd Mayweather Jr. nakuha nito ang No. 1 ranking at nananatili ito sa naturang posisyon.
Kasabay ng pagbagsak ni Pacquiao ay ang pag-angat naman ni Nonito Donaire Jr. na nasa No. 6 na matapos ang ninth round knockout kay Japanese Toshiaki Nishioka noong Oct. 13 at inaasa-hang aakyat pa ito kung tatalunin niya si Jorge Arce sa Linggo.
Ito ang unang pagkakataon na naunahan si Pacquiao ng isa pang Pinoy na si Donaire, sa Ring Magazine pound-for-pound list.
Si middleweight Andre Ward ay nasa-No. 2 na ngayon matapos ang technical knockout win kay Chad Dawson.
Umakyat naman si Marquez sa No. 3 kasalo si Argentinian middleweight Sergio Martinez. Kabilang sa top 10 ay sina Ukrianian heavyweight Wladimir Klitschko, Timothy Bradley Jr. Mexican bantamweight Abner Mares at Cuban featherweight Yuriorkis Gamboa.
Matatagalan bago makabalik si Pacquiao sa No. 1 na maaari niyang makuha kung tatalunin niya si Marquez kung maghaharap pa uli sila o kung tatalunin niya si Mayweather kung matutuloy na ang kanilang laban.
Sa ulat ng dzBB report, bumagsak din si Pacquiao sa pound-for-pound fighter list ng Sports Illustrated sa No. 6 mula sa No. 2.
“The Latest: Pacquiao tasted the canvas for the first time in nearly a decade and suffered his first knockout loss since 1999 against Marquez when he got reckless in a fight he was winning. Bob Arum wasted no time floating the possibility of a fifth fight between the two long time rivals,” sabi ng Sports Illustrated ukol sa Filipino champion na bumaba ang record sa 54-5-2. win-loss draw.
“Hindi pa tapos ang lahat, puwede pa tayong lumaban uli. Ang boxing hindi naman forever ka doon sa taas,” sabi naman ni Pacquiao.