MANILA, Philippines - Nakondisyon ang Furniture King upang mapangatawanan ang pagiging liyamadong kabayo sa nilahukang karera noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite.
Sakay ni Jessie Guce, pinabayaan lamang muna ng Furniture King na makapagdomina ang second choice na Persian Empire sa kaagahan ng 1,500-meter 2YO Condition A-1-2 race.
Sa kalagitnaan ng bakbakan ay saka pinag-init ni Guce ang outstanding favorite ngunit sa huling 150 metro ng labanan lamang nakuha ang liderato sa Persian Empire tungo sa halos isang dipang agwat sa meta.
Pambawi ito ng dalawang taong colt na may la-hing Baseball Champion at Tiger Wind sa pangalawang puwestong pagtatapos noong Disyembre 5.
Balik-taya lamang ang mga nanalig sa husay ng Furniture King habang ang 5-3 forecast ay may P14.00 dibidendo.
Nakapaningit naman ang mga dehadong kabayo na Emergency Call at Serenata na nagbigay saya sa mga dehadista na nilamon uli ng mga liyamadista sa ikatlong gabi ng pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Nagpatuloy ang magandang takbo ng Emergency Call na dinala pa rin ni apprentice rider JB Guerra nang kunin ang ikalawang dikit na panalo.
Umakyat sa class division 2 ang tambalan matapos makapagdomina sa CD 1 noong Nobyembre 20 at hindi nasayang ang desisyong ito nang manalo sa hamon ng King Eagle na second choice sa walong naglaban.
Kumabig ng P84.00 ang mga pumabor sa Emergency Call habang ang 4-6 forecast ay mayroong P262.50 dibidendo.