MANILA, Philippines - Walang naging problema si Fil-German Katharina Lehnert sa pagdispatsa kay Rachelle De Guzman, 6-1, 6-0 habang sinibak naman ni defending champion Marian Jade Capadocia ang pambatong Pinay na si Clarice Patrimonio, 6-3, 6-4, kahapon upang isaayos ang kanilang paghaharap para sa women’s singles title sa Philippine Columbian Association Open tennis championships na hatid ng Cebuana Lhuillier na idinaraos sa PCA courts sa Paco, Manila.
Ipinamalas ni Lehnert, world No. 445 sa women’s singles ranking, ang kanyang world caliber game upang dispatsahin si De Guzman na nakarating sa semis matapos sibakin si PH No. 1 Christine Patrimonio at fourth seed Aileen Rogan.
Nakapasok naman sa finals ang 17-anyos na si United States-bound Capadocia sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos igupo si Patrimonio sa dalawang oras na laban.
Ang women’s finals ay ngayong ala-una ng hapon na susundan ng sagupaan nina Johnny Arcilla st Fil-Am Davis Cup hotshot Ruben Gonzales sa men’s finals.