Sisimulan na ang aksiyon sa Batang Pinoy finals
ILOILO CITY, Philippines - Sa pag-alis ng bagyong si ‘Pablo’ dito, sisimulan na ang mga aksyon sa POC-PSC Batang Pinoy 2012 National finals ngayong araw sa Iloilo Sports Complex.
Kabuuang 32 gold medals ang nakahanay sa Day 1 ng athletics, habang hindi pa napapanalisa kung ilan ang ipamimigay sa swimming, wushu at archery.
Maglalatag ng gintong medalya sa 5,000 meter, 2,000m, long jump, shot put, high jump, 400m, 100m hurdles, 110m hurdles, 100m, 1,500m, 4x100m relays para sa boys at girls 13-and-under at 14-15 year old.
“The Batang Pinoy will go full blast today because the weather has thankfully improved fast,” wika kahapon ni PSC commissioner Jolly Gomez.
Dahil sa pananalasa ni ‘Pablo’ ay hindi kaagad nakarating dito ang mga de-legasyon mula sa Visayas at Mindanao kamakalawa.
Halos 400 sa 1,200 qualifiers na nanalo ng gold at silver medals sa mga regional legs sa Marikina City, Lingayen, Pangasinan, Dapitan, Zamboanga del Norte, Calapan, Oriental Min-doro at Tacloban, Leyte ang hindi nakarating.
Sa kabila nito, kabuuang 1,038 atleta pa rin ang makikita sa kani-kanilang mga events.
Kasama dito ang mga bronze medalists sa mga qualifiers na pinangakuan ng PSC na ire-reimburse ang mga ginastos sakaling manalo ng medalya sa National finals.
Ang iba pang sports events na paglalabanan ay ang arnis, badminton, chess, karatedo, lawn tennis, table tennis, taekwondo, 3-on-3 basketball at triathlon.
- Latest