ILOILO CITY, Philippines – Ipinagpaliban ng mga organizers ng Philippine Sports Commission-Philippine Olympic Committee Batang Pinoy 2012 National finals ang mga aksyon ngayong araw.
Ito, ayon kay overall project director Atty. Jay Ala-no ay bunga ng inaasahang pananalasa ng bagyong ‘Pablo’ sa lungsod na inilagay sa Signal No. 2.
“Just for the safety of the participants, we decided to cancel all the games tomorrow because we expect the typhoon to hit the province this Wednesday,” sabi ni Alano kahapon.
Ang mga events na ipinagpaliban ay ang athletics, badminton, basketball, chess, lawn tennis swimming, table tennis at taekwondo.
Sa kabila nito, itinuloy pa rin kahapon ang opening ceremonies sa isang covered basketball court imbes na sa naunang pagdarausang Iloilo Sports Complex.
Naghanda si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ng isang welcome dinner para sa mga delegadong sasabak sa sports meet para sa mga batang atletang may edad 15-anyos pababa.
Itataya ng Laguna, naghari sa Southern Luzon leg, ang kanilang titulo laban sa Pangasinan, ang overall titlist sa Northern Luzon leg, National Capital Region (15), Mindanao (30), Northern Luzon (19), Southern Luzon (30) at Visayas (19).
Hangad ng POC-PSC Batang Pinoy National finals 2012 na makatuklas ng mga bagong talento na isasama sa National team para sa 2014 Youth Olympic Games sa China.