YEREVAN, Armenia – Sumabak sa kanilang mga unang laban ang dala-wang bagitong boksingero ng PLDT-ABAP National team sa AIBA World Youth Championships dito sa Karen Demirchyan Sports Complex.
Ngunit magkaibang resulta ang nakuha nina Jade Bornea ng General Santos City at Jonas Bacho ng Mandaluyong.
Dinomina ni Bornea si Dimitris Zaharovs ng Latvia, lumahok na sa foreign competitions sa Russia at Kazakhstan at sa nakaraang World Championships, sa loob ng tatlong rounds patungo sa kanyang unang panalo sa torneo.
Mga kombinasyon at counter-punches ang pinakawalan ng 18-anyos na si Bornea, ang kakambal na si Jake ay miyembro din ng National pool, laban sa mas matangkad na si Zaharovs.
Ang final score ay 19-6 para kay Bornea.
Nabigo naman ang 5-foot-9 na si Bacho kontra kay veteran Nursultan Bizanbayev ng Uzbekistan na siyang kumuha ng gold medal sa 2012 Sydney Jackson Memorial Tournament, sa iskor na 10-12.
Nakatakda namang labanan ni Eumir Marcial si Tajikistan National champion Muminjon Mukhtorov, habang makakatapat ni Ian Clark Bautista para sa kanyang unang laban si Khakimjon Ubaydullayev ng Uzbekistan na nagbulsa ng bronze medal sa Ahmet Comert International Youth tournament sa Istanbul, Turkey.
Ang koponan ay ginagabayan nina National coaches Romeo Brin at Elmer Pamisa.