Pacquiao nakuha pang magpa-darts tourney

HOLLYWOOD – Ipinagpaliban ni Manny Pacquiao ang kanyang morning run dahil sa malakas na pag-ulan kaya nagtungo na lamang siya sa simbahan at nanguna sa pagdaraos ng isang darts tournament para sa kanyang mga kaibigan sa kanyang La Palazzo unit dito sa Los Angeles.

Ang condo unit ay napuno ng mga tao na nagnanais na masikwat ang premyong $2,500 at gustong kumustahin si Pacquiao habang na papalapit ang kanilang upakan ni Juan Manuel Marquez.

Nasa magandang aura ang fighting congressman mula sa Sarangani.

Gustung-gusto niyang napapaligiran ng kanyang mga kaibigan at ang dartsfest ang nagpakilos sa kanya sa nakatatamad na araw.

Hindi sumali si Pacquiao, kinalimutan na ang pagsusugal, sa naturang darts tournament.

Dahil sa ingay ng mga tao sa torneo, dinala ni Pacquiao ang mga Pinoy scribes sa kanyang kuwarto sa second floor ng kanyang unit.

Ngunit hindi niya masyadong sinagot ang mga itinanong sa kanya dahil mamimigay na siya ng prem-yong umabot sa  $10,000 sa mga partisipante.

Ayaw magkomento ni Pacquiao, nakatakdang bumiyahe sa Las Vegas, tungkol sa pahayag ni Freddie Roach na isang bagong Pacquiao ang makikita ni Marquez sa Linggo.

“Secret,” sabi ni Pacquiao na lalabanan si Marquez sa MGM Grand.

Pinilit siyang pasagutin sa isang tanong.

“Secret. Puwede ko bang sabihin? I’m one hundred percent condition. I’m focused. No distraction,” ani Pacquiao, ayaw na lantarang sabihin na puntirya niya ang isang knockout win.

“Whatever happens I will always praise God. Praise God kung ganun,” dagdag pa nito.

Sa huling pagkakataon ay makikipag-spar si Pacquiao ngayong araw sa Wild Card Gym, at kinahapunan ay sasabak siya sa apat na oras na biyahe papuntang Las Vegas kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.

Si Marquez  ay nasa Los Angeles at inaasahang mauuna kay Pacquiao sa Las Vegas para sa  formal arrival ceremony  na gagawin sa MGM Grand. (AC)

Show comments