Marcial nalo agad sa unang salang
YEREVAN, Armenia – Ipinagdiwang ni Eumir Felix Marcial, ang 2011 AIBA World Junior Champion, ang kanyang debut sa World Youth Championships sa Karen Demirchyan Sports Complex sa malamig na lugar na ito sa pamamagitan ng dikit na panalo kontra kay Kazakhstan National Youth champion Timur Pirnazarov, 15-14 noong Biyernes ng gabi.
Tampok sa tournament na nilahukan ng 367 boxers mula sa 68 bansa, ang mga fighters sa 17-18 year old category.
Mahigpit ang labanan sa unang dalawang rounds na may iskor na 4-4 at 8-8. Gayunpaman higit na naging mas epektibo ang southpaw mula sa Zamboanga sa kanyang left straights na tumatama sa ulo ng Kazakh.
Umakyat si Marcial mula sa flyweight (52 kg) patungong lightweight (60 kg) noong nakaraang taon, tumangkad na siya ng isa’t kalahating pulgada sapul nang manalo sa Kazakhstan noong July.
Pagkatapos ng tatlong rounds, apat sa limang judges ang nagbigay kay Marcial ng panalo.
Sa text ni ABAP president Ricky Vargas, kay executive director Ed Picson na siyang namuno sa koponan dito, “that was close, but we’ll take the win. Mabuhay ka, Eumir!.”
“Medyo masikip pa po ang pakiramdam. Siguro dahil first bout at ‘yung lamig,” sabi naman ni Marcial na nakinabang kahit papaano sa kanyang maagang pagpunta rito para masanay sa klima na may -5 hanggang +7C kalamig at ayon sa forecasters ay inaasahang mas lalamig pa sa mga susunod na araw.
Susunod na sasalang sina light flyweight Jade Bornea (49 kg) kontra kay Dmitrys Zaharovs ng Latvia at bantamweight Jonas Bacho (56 kg) versus veteran internationalist Nursultan Bisanbaye ngUzbekistan.
Naka-bye naman si flyweight Ian Clark Bautista at sa Linggo pa sasalang.
Ang koponan ay minamando nina National mentors Romeo Brin at Elmer Pamisa.
- Latest