Unang laban ng Azkals vs Singapore sa Pinas

MANILA, Philippines - Gumulong na ang paghahanda ng Pilipinas para sa semifinals hosting sa AFF Suzuki Cup laban sa Singapore sa Disyembre 8 sa Rizal Memorial Football Field.

Nakuha ng Singapore ang karapatan na labanan ang Azkals sa home-and-away format semis nang kunin ang 4-3 come-from-behind panalo laban sa Laos sa pagtatapos ng Group B elimination sa Malaysia kamakailan.

Ang nagdedepensang Malaysia ay nanalo sa Indonesia, 2-0, upang siyang makalaban ng top team ng Group A na Thailand sa isa pang semis match.

Kinumpuni na ng Philippine Football Federation at ng Philippine Sports Commission ang mga ilaw na gagamitin sa laro dahil ang bakbakan ay itinakda sa ganap na ika-8 ng gabi.

Nasa panig ng Azkals ang bentahe dahil bukod sa home crowd ay tinalo na nila ng dalawang beses sa taong ito ang Lions sa 2-0 at 1-0 iskor na nilaro sa Singapore at Cebu.

Pero para sa Singaporean coach na si Radojko Avramovic, kumbinsido siyang bibigyan nila ng mas matinding laban ang Azkals sa pagkakataong ito.

Aniya, handa ang kanyang bataan sa pisikal na laro ng Azkals at nakita na kung sino ang mga manlalarong dapat na paghandaan.

Wala ring problema sa kumpiyansa ng mga bata niya dahil mataas na ito papasok sa mahalagang unang laro.

Nasa bansa na ang Azkals at sa susunod na araw ay magbabalik-ensayo na para mailagay ang sarili sa mas matinding kondisyon upang makamit ang asam na makalaro sa finals. Ang home game ng Singapore ay itinakda sa Disyembre 12.

Inilabas na rin ng PFF ang mga presyo ng tiket para sa Sabado na nagkakahalaga ng P3,000, P2,000, P1,000, P500 at P300. 

 

Show comments