MANILA, Philippines - Taglay pa rin ni Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ang tiwala ng mga kasapi sa Philippine Olympic Committee (POC).
Ito ang naging malinaw na mensahe sa idinaos na POC election kahapon sa Alabang Country Club nang walisin ng tiket ni Cojuangco ang lahat ng puwestong pinaglabanan sa halalan na dinaluhan ng 43 voting members.
Nauna rito ay naipakita ni Cojuangco na siya pa rin ang majority president matapos makakuha ng 32 boto.
Walang kalaban ang equestrian president sa puwesto pero binilang pa rin ang nakuhang boto upang pagtibayin ang ikatlong sunod na termino sa POC.
Ang mga ka-tiket na sina Tom Carrasco, Jr. ng triathlon, Joey Romasanta ng karatedo, Jeff Tamayo ng soft tennis, Julian Camacho ng wushu, Prospero Pichay ng chess at mga board members na sina Dave Carter ng judo, Ernesto Echauz ng sailing Jonnie Go ng canoe-kayak at Cynthia Carrion ng gymnastics ay mauupo rin sa POC hanggang sa 2016.
Ang matinding labanan ay nangyari sa puwesto ng POC chairman at nanalo si Carrasco kontra sa dating nakaupong si Monico Puentevella ng weightlifting sa pamamagitan lamang ng tatlong boto, 21-18.
Ang iba ay malayong nanalo tulad ni Romasanta sa dating nakaupo na si Manny Lopez sa 1st VP, 24-16; Tamayo laban kay Bambol Tolentino ng cycling sa 2nd VP, 24-16; Camacho laban kay Romy Ribano ng squash, 28-12; sa treasurer; at Pichay laban kay Godofredo Galindez Jr. ng golf, 28-12, sa auditor.