MANILA, Philippines - Wala nang duda na handa na ang pinalakas na NLEX Road Warriors na makumpleto ang pakay na ikaapat na sunod na titulo sa PBA D-League Aspirants’ Cup nang gutay-gutayin ang inaakalang karibal na Big Chill, 91-67, kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Binulaga agad ng Road Warriors ang Super Chargers gamit ang 9-0 start at mula rito ay iniwan na ang katunggali para kunin ang ikaanim na sunod na panalo at palawigin ang winning streak sa 23-0.
“Committed ang mga players na maglaro ng depensa sa larong ito,” sabi ni coach Boyet Fernandez.
Mabisang sandata ng NLEX sa labanang ng mga dating walang talong koponan ay ang kanilang kahanga-hangang 2-point field goal shooting na nasa 60.4 percent (32-of-53).
Sa first half ay may 21-of-37 shooting ang NLEX (56 percent), at hinawakan na nila ang 46-29 kalamangan.
Si Ian Sangalang ay may 20 puntos mula sa 8-of-15 shooting habang sina Jake Pascual, Eric Camson at John Hermida ay nagsanib sa 36 puntos.
Nakakadismayang 20 of 61 shooting (32.8%) ang nairehistro ng tropa ni coach Robert Sison upang magwakas ang apat na sunod na panalo at ngayon ay nakasalo ang pahi-ngang Cagayan Valley sa ikalawang puwesto.
Hindi pa rin nakapag-laro si Olaide Adeogun pero iniangat nina Carlo Lastimosa ang kanyang laro habang andoon pa rin ang suporta ni Pong Escobal tungo sa 78-73 panalo sa Erase Xfoliant sa unang laro.
May career high na 30 puntos si Lastimosa at kanyang naipasok ang mahalagang lay-up matapos itabla ni Escobal ang laro sa 71-all sa isang tres.
“Nagustuhan ko ang ipinakita ng mga players ko na kahit wala si Olaide ay nakayanan ang hamon ng Erasers na may dalawang foreign players,” wika ni Fruitas coach Nash Racela.
Si Escobal ay may 19 puntos.