Sa laban Kontra Sa Vietnam nagdeliber si Caligdong

BANGKOK – Matagal na panahon na nang makapaglaro bilang starter si Chieffy Caligdong para sa Philippine Azkals.

Ngunit kahit sub lang, higit pa sa isang starter ang inilaro ni Caligdong sa 1-0 panalo ng Azkals kontra sa Vietnam noong Martes.

Determinado sa larong iyon si Caligdong na makabawi sa kanyang hindi magandang ipinakita sa kanilang pagkatalo sa Thailand noong Sabado.

“Siyempre, mas maganda pag nasa first 11 ka. Pero okay na nabigyan ng chance as sub. Disappointed ako sa laro ko sa first game, di ko nagawa ang  gusto kong gawin. Kaya sabi ko, kung maipasok ako vs. Vietnam, kahit sub ako, gagawin ko lahat ng makakaya ko,” sabi ng Azkals skipper.

Si Caligdong ay pumasok kapalit ni James Young-husband sa 74th minute at talagang nagtrabaho ito.

Sa loob lamang ng 10-minutong paglalaro, ang 30-gulang na Ilonggo ay nagpakitang-gilas nang ipasok ang kanyang ika-16th  international goal mula sa assists ng kanyang kaparehong sub na si Angel Guirado.

Ang goal na ito ang nagpanalo sa Azkals upang patuloy na bigyang buhay ang kanilang asam na puwesto sa  Last 4.

“Importante yung game na yun kasi may big chance pa na makapasok sa semifinals,” sabi pa ni Caligdong.

Susunod na kalaban ng Azkals ang Myanmar.

Show comments