WBO title babakantehin ni Viloria?
MANILA, Philippines - May mga opsyon na tinitingnan si Brian Viloria ngunit hindi kasama dito ang pagbabakante niya sa suot niyang WBO title.
Ito ang isa sa mga naitanong kahapon sa Fil-American boxer sa PSA sports forum sa Shakey’s Malate kaugnay sa kanyang plano matapos pag-isahin ang WBO at WBA flyweight titles.
Sinabi niyang gusto muna niyang magbakasyon bago siya magdesisyon kung lalaban sa Pebrero o Marso ng susunod na taon.
Tinalo ni Viloria si Hernan ‘Tyson’ Marquez noong Nobyembre 16 sa Los Angeles.
May mga suhestiyon sa 32-anyos na si Viloria na bakantehin ang kanyang WBO title para bigyan ng pagkakataon si Filipio Milan Melindo o maging si Froilan Saludar.
Si Melindo ang No. 1 contender ng WBO, habang si Saludar ang No. 2.
Sinabi ni Viloria na nagkokonsidera siya ng iba pang opsyon para lamang iwasan ang ibang Filipino na makalaban para sa kanyang korona.
“We fight hard for these titles. You just don’t give it up for others to fight for it. I put my life on line for this. It’s unfair to just give it up,” ani Viloria.
Subalit hindi niya isinasara ang kanyang pintuan para makalaban si Melindo.
“You don’t know. We’ll see,” wika ni Viloria, maaari ring targetin ang iba pang flyweight titles upang hirangin bilang undisputed champion.
“I think the last person to do that was (heavyweight) Mike Tyson. I’m halfway there. What’s two more (winning the WBC and IBF titles),” ani Viloria. “There are a lot of things I can do.”
- Latest